MANILA, Philippines- Mahigit 251,000 manggagawa na nawalan ng trabaho dahil sa bagyong Kristine ang nakatanggap ng emergency employment assistance sa Bicol at CALABARZON regions, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Inihayag ni Labor Undersecretary Benjo Benavidez na ang displaced employees ay mula sa probinsya ng Batangas, Quezon, Laguna, Albay, Camarines Sur at Norte.
Ayon kay Benavidez, higit 83,000 manggagawa sa Bicol region ang nakinabang mula sa TUPAD program, na sumasalamin sa mabilis na pagtugon ng gobyerno sa kalamidad.
Handa ring magbigay ng karagdagang livelihood assistance ang ahensya na may maximum na P50,000 available para sa mga indibidwal at hanggang sa P3 milyon para sa grupo o asosasyon na naglalayong ibalik o itatag ang kanilang mga kabuhayan.
Hinihikayat din ni Benavidez ang mga apektadong manggagawa na bumisita sa pinakamalapit na DOLE field office o sa kanilang local Public Employment Service offices upang makakuha ng nasabing programa.
Ang mga bagyo ay nakaapekto sa 7,033,922 indibidwal, na binubuo ng 1,788,630 pamilya sa 17 rehiyon, kung saan ang rehiyon ng Bicol ang nagdadala ng matinding epekto, na nakaapekto sa 2,343,175 katao.
Sumunod ang Central Luzon at Calabarzon, na may 1,061,766 at 752,793 indibidwal ang apektado, ayon sa pagkakasunod. Jocelyn Tabangcura-Domenden