
NILINAW ni SSS o Social Security System President Rolando Ledesma Macasaet na bagama’t nagpatupad ng flexible work arrangement ang ahensiya simula nitong June 3, 2024, ay sa main office lamang ito sa East Avenue, Quezon City, at sa corporate office na nasa Makati City.
Bukas mula Lunes hanggang Biyernes sa normal na oras ng operasyon ang lahat ng sangay sa buong bansa kasama maging ang Diliman branch kahit ito ay katabi lamang ng pangunahing tanggapan.
Kaya walang dapat na ipag-alala ang mga miyembro, pensioner, claimant, at maging ang mga employer.
Sa sinimulang work adjustments, ang mga empleyado ng Quezon City ay nasa work from home arrangement, tuwing araw ng Lunes, at papasok sa opisina mula Martes hanggang Biyernes mula ika-pito ng umaga (7:00 AM) hanggang ika-apat ng hapon (4:00 PM).
Para naman sa mga empleyado ng SSS na nasa corporate office ng Makati City ay work from home tuwing Biyernes habang nasa opisina mula Lunes hanggang Huwebes, parehas na oras ng trabaho.
Hindi naman apektado ang 254 branch offices ng SSS sa buong bansa kahit pa ang nasa Metro Manila.
Kabilang din ang mga nasa sa loob ng mga mall station na bukas simula 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng gabi.
Pagseseguro ni PCEO Macasaet, lahat ng branches ay nakatakdang tumanggap ng lahat ng klase ng transaksyon na may kinalaman sa mga benepisyo at programa ng SSS maging ang tellering services sa mga piling sangay.
Ang work adjustment sa SSS ay bilang suporta sa hakbang ng Metropolitan Manila Council at Metropolitan Manila Development Authority upang mabawasan ang matinding trapiko sa National Capital Region lalong-lalo na sa rush hour sa pagpasok sa mga opisina at maging paglabas sa hapon o gabi.
Kung may karagdagang katanungan, ang mga miyembro ay maaaring tumawag sa hotline ng SSS sa 1455. Maaari rin nilang sundin ang opisyal na pahina ng Facebook, “Philippine Social Security System – SSS,” o sa Instagram Account “uSSSap Tayo” o Twitter Feed “PHLSSS”.