MANILA, Philippines – Pinatawan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30-araw na preventive suspension ang 26 yunit ng Victory Liner matapos masangkot ang dalawang bus nito sa aksidente sa Tuba, Benguet na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng 95 iba pa.
Naglabas din ang LTFRB ng show cause order laban sa kumpanya upang ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa nito.
Ayon kay LTFRB chair Vigor Mendoza II, batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon umano ng mechanical problem ang isang Victory Liner bus na patungong La Union habang bumibiyahe sa Marcos Highway. Bumangga ito sa isang SUV at isa pang Victory Liner bus na kasalubong bago sumalpok sa concrete barrier at tumaob.
“We already secured a police report of the incident but we will be giving them the opportunity to explain. They were already issued with a show cause order and we in the LTFRB expect full compliance,” ani Mendoza.
Sinabi ng LTFRB na prayoridad nito ang pagtulong sa mga nasugatang pasahero at pakikipag-ugnayan sa bus company at insurance provider upang mapabilis ang pagproseso ng insurance claims.
Sa pahayag nito, sinabi ng Victory Liner na iginagalang nito ang desisyon ng LTFRB at makikipagtulungan ito nang buo sa imbestigasyon. Maaapektuhan ng suspensyon ang ilang ruta kabilang ang Dagupan-Baguio, PITX-Tuguegarao, at Sta. Cruz, Zambales-Baguio.
Humingi rin ng paumanhin ang kumpanya sa mga pasahero, nagpahatid ng pakikiramay sa pamilya ng nasawi, at nanalangin para sa agarang paggaling ng mga nasugatan. Santi Celario