MANILA, Philippines- Nasabat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Martes ang P12.2 milyong halaga ng petroleum products at kagamitan at naaresto ang 26 indibdiwal, kabilang ang isang Chinese national, sa operasyon sa Batangas.
Sinabi ni CIDG chief Brig. Gen. Nicolas Torre III na nag-ugat ang operasyon sa hiling ng Bureau of Customs (BOC) na tugisin ang hinihinalang smuggling operations sa pantalan, base sa ulat.
Sinabi ni Torre na isinagawa ng Batangas provincial unit, Calabarzon regional unit, San Juan Municipal Police Station, maging mga operatiba mula sa BOC at sa Philippine Coast Guard, ang operasyon ng alas-12:20 ng madaling araw nitong Martes sa Subukin Port sa San Juan.
Nadiskubre ng mga operatiba ang anim na straight truck tankers, apat na trailer trucks, isang straight struck, at fishing vessel na ginawang tanker na may kargang 200,000 litro ng petrolyo.
Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa BOC habang ang mga nadakip na indibidwal ay dinala sa Batangas CIDG upang isailalim sa kustodiya nito habang inihahanda ang paghahain ng reklamong paglabag sa Section 2(a) ng Presidential Decree No. 1865, na nagpaparusa sa illegal trade ng petroleum at petroleum products.
“I commend the operatives of the CIDG and other law enforcement agencies for their successful operations and continuous collaborative efforts,” wika ni Torre.
“We will persist until every criminal is apprehended and held accountable for their actions,” dagdag niya. RNT/SA