DAVAO, Philippines – Umabot sa 265 na lugar sa Davao City ang natukoy ng City Engineering Office bilang “severely affected” ng pagbaha sa kalye.
Ayon kay Janis Louis Esparcia, officer-in-charge ng City Engineering Office, sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod na 140 sa mga lugar na ito ay nasa Unang Distrito, 69 sa Ikalawang Distrito, at 56 sa Third District, batay sa datos ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Binigyang-diin ni Esparcia ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon tulad ng pagpapalawak ng drainage system ng lungsod, at pagtatayo ng mga retention at detention pond upang hawakan ang tubig-baha.
Ang mga karagdagang istruktura sa flood control tulad ng box culvert, flood walls, at pumping station ay kailangan din sa pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng JICA Flood Mitigation Master Plan.
Maliban dito, binigyang-diin din ni Esparcia ang mahigpit na ipatupad ang solid waste management system ng lungsod upang maiwasan ang mga basura at debris na bumabara sa mga kanal, na nagpapalala sa pagbaha. RNT/MND