MANILA — Nagdeklara ng State of Calamity ang 13th Manila City Council sa 27 barangay na matinding naapektuhan ng pagbaha dulot ng malakas na pag-ulan na dala ng Habagat.
Isinagawa ang espesyal na sesyon ng konseho sa direktiba ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso upang mapabilis ang paglalabas ng calamity funds para sa mga residenteng nangangailangan ng agarang tulong.
Agad na ipinasa ng konseho ang Resolution No. 5, Series of 2026, na inakda ni Majority Floor Leader Raymundo “Mon” Yupangco, upang legal na mapabilis ang paggamit at pag-release ng lokal na calamity funds.
Kabilang sa mga barangay na isinailalim sa State of Calamity ang 101, 105, 195, 199, 213, 214, 215, 216, 217, 292, 313, 314, 327, 330, 432, 598, 600, 602, 607, 649, 686, 738, 800, 884, 893, 895, at 903.
Ayon kay Yupangco, hindi lamang pormalidad ang resolusyon kundi konkretong hakbang upang matiyak na agad na makatatanggap ng tulong, resources, at iba pang pangangailangan ang mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Samantala, sinuportahan ni Vice Mayor Chi Atienza ang resolusyon at pinuri ang mabilis na pagtugon ng administrasyong Moreno sa pagbaha.
Sinabi ni Atienza na agad na kumilos ang pamahalaang lungsod upang maibsan ang epekto ng kalamidad, kabilang ang paglilinis ng mga drainage, kalsada, at footbridge, gayundin ang pagbibigay ng gamot para sa leptospirosis sa mga health center.
Ayon pa sa vice mayor, binuksan din ang ilang tanggapan ng pamahalaang lungsod upang ipagpatuloy ang serbisyo sa mga Manilenyo kahit kasabay ng krisis ang masamang panahon.
Iniulat naman nina Councilor Atty. Jaybee Hizon at Councilor Elmer Par na bagama’t regular na nililinis ang mga drainage sa pamamagitan ng lingguhang clean-up drive, naging malaking salik sa pagbaha ang dami ng tubig-ulan at pagtaas ng tubig sa mga ilog at creek, kasunod ng pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam.
Nanawagan naman si Councilor Lou Veloso ng mas mahigpit na parusa laban sa mga nagtatapon ng basura kung saan-saan, na aniya’y nagdudulot ng pagbabara sa mga kanal at nagpapalala sa pagbaha.
Samantala, napansin ni Councilor DJ Bagatsing ang mas mabilis na paghupa ng baha sa ilang lugar, partikular sa España Boulevard at Sampaloc, na matagal nang kilalang mga lugar na madalas bahain.
Dahil sa deklarasyon, maaari nang gamitin ng mga apektadong barangay ang kanilang calamity funds para sa pagbili ng hot meals, gamot, at iba pang pangunahing relief goods para sa mga residente.
Pinapayuhan ang mga kinatawan ng mga nasabing barangay na magtungo sa City Council Secretariat upang kumuha ng certified true copy ng resolusyon, na ihaharap sa Budget Office para sa agarang pag-release ng kanilang calamity funds.
Samantala, tiniyak ni Atienza na hindi mapapabayaan ang mga apektadong barangay na hindi naisama sa unang resolusyon.
Maaari silang magtungo sa Manila Department of Social Welfare (MDSW) upang ma-certify ang kanilang barangay. Matapos ang validation at certification, sinabi ng City Council na agad nitong aasikasuhin ang legal na proseso para mapalabas din ang kinakailangang calamity funds.