IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapatapon sa 27 Chinese national na dati nang naaresto dahil sa ilegal na pagtatrabaho sa bansa.
Ayon sa BI, ipinadeport na nila ang nasabing bilang ng mga Chinese nationals noong Agosto 1 na sumakay sa flight ng Philippine Airlines patungong Shanghai, China.
Noong una, plano ng BI na i-deport ang 33 dayuhan, ngunit anim ang hindi nakasakay sa flight dahil sa hindi nakakuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) o para sa iba pang nakabinbing kaso sa Pilipinas.
Nilinaw ni BI Commissioner Norman Tansingco na kailangang resolbahin ng anim na indibidwal ang kanilang mga nakabinbing kaso sa Pilipinas at kumuha ng kaukulang clearance bago maipatupad ang kanilang deportasyon.
“We are committed to ensuring that all necessary legal procedures are followed before deportation,” ani Tansingco. “This is to guarantee that justice is served and the integrity of our legal system is upheld,” dagdag pa ng opisyal.
Ang mga na-deport na Chinese national ay bahagi ng mga naunang pag-aresto ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa magkahiwalay na operasyon sa Las Piñas, Pasay, at Tarlac.
“The Bureau of Immigration remains dedicated to enforcing our immigration laws and ensuring that foreign nationals who violate these laws are dealt with accordingly,” ani Tansingco.
“Our collaboration with other agencies, such as the PAOCC, highlights our unified effort to maintain law and order in the country,” dagdag pa ng BI Chief. Jay Reyes