SASAGUTIN ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan ang gastusin sa funeral service sa 11-katao na nasawi sa naganap na sunog sa Binondo, Maynila nitong Biyernes ng umaga.
Ayon kay Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Re Fugoso, dinala na ang lahat ng bangkay sa SRB Sanctuary Chapels kung saan isinasaayos na ang serbisyo sa mga ito.
Inirekomenda umano na agarang isailalim sa “cremation” ang mga labi ng mga biktima dahil hindi na aniya tatalab ang “formalin” dahil sa matinding pagkakasunog na kanilang natamo na nagresulta sa kanilang kamatayan.
Ayon sa pamunuan ng Sanctuary Chapels, kasalukuyang kinikilala pa ng kani-kanilang pamilya ang mga nasunog na bangkay habang ang ilan ay hinihintay pa dahil nasa probinsiya pa ang mga ito.
Nabatid pa na maging ang pagpapalibing sa mga nasawi ay tutugunan at handang ibigay ng alkalde depende umano sa magiging usapan sa pagitan ng kani-kanilang pamilya at ng magseserbisyong punerarya sa mga ito.
Una nang binanggit ni Lacuna na handa ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila na magbigay ng tulong sa pamilya ng mga nasawing biktima sa naganap na sunog. Jay Reyes