Home NATIONWIDE 2,797 magsasaka pinamahagian ni PBBM ng titulo ng lupa

2,797 magsasaka pinamahagian ni PBBM ng titulo ng lupa

MANILA, Philippines – Nagpamahagi nitong Lunes, Abril 8, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng 4,724 Certificates of Land Ownership Award (CLOA) at electronic titles (e-titles) sa 2,797 agrarian reform beneficiaries sa Negros Occidental.

Sa turnover ceremony sa Manuel Y. Torres Memorial Coliseum and Cultural Center sa Bago City, namahagi din si Marcos ng P69.17 million na halaga ng tulong, kabilang ang organic fertilizer, farm machinery and equipment, Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo, at farm-to-market roads sa 1,830 benepisyaryo sa lalawigan.

Nangako si Marcos na tapusin ang pamamahagi ng mga titulo ng lupa sa lahat ng benepisyaryo ng programa sa repormang agraryo sa ilalim ng kanyang termino.

Sa kanyang talumpati, tiniyak ng Pangulo sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo ng patuloy na suporta ng gobyerno upang mapalakas ang kanilang produktibidad sa agrikultura.

“Makaasa kayo na kabalikat ninyo ako at ang buong pamahalaan sa lahat ng inyong pagsisikap. Nawa’y samahan ninyo ako sa pagsasakatuparan ng isang Bagong Pilipinas – isang bansang walang nagugutom at lahat ay kumikilos para sa kapakanan ng lahat,” anang Pangulo.

Nilagdaan ni Marcos noong Hulyo noong nakaraang taon ang New Agrarian Emancipation Act, na nakikinabang sa mahigit 610,054 Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng paggawa sa kanila na walang utang mula sa PHP57.65 bilyon na atraso sa agraryo.

Sinabi ng Pangulo na ang mga nakatanggap ng kanilang mga titulo ng lupa bago ang Hulyo 24 ng nakaraang taon ay wala nang utang sa Land Bank of the Philippines. RNT