Home HOME BANNER STORY 28 pamilya nawalan ng bahay sa landslide sa Valenzuela; 1 patay

28 pamilya nawalan ng bahay sa landslide sa Valenzuela; 1 patay

MANILA, Philippines (UPDATED)- Halos 28 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang gumuho ang kani-kanilang mga bahay sa lumambot na  lupang kinatitirikan ng mga ito mula sa dalawang barangay sa Valenzuela City, habang isa ang naitalang patay sa insidente.

Sa inisyal na ulat mula sa Valenzuela City LGU, alas-5:40 ng hapon nitong Linggo nang bumigay ang lupang kinatatayuan ng walong bahay ng mga naninirahan dito na matatagpuan sa S. Feliciano St., sa barangaty Mapulang Lupa at barangay Ugong.

Kinilala ang biktima na si Renato Madayo, residente ng barangay Ugong ng nasabing lungsod.

Nabatid na nasa 17 pamilya ang naapektuhan ng nasabing pagguho mula sa barangay Mapulang Lupa kung saan may 70 indibdiwal ang naninirahan dito.

Labing-isang pamilya naman na binubuo ng 43 indibidwal ang kasama ring nawalan ng tirahan  nang mawasak din ng paglambot ng lupa rito.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Office of the Building Official ng Valenzuela LGU, ang dahilan ng pagguho ng lupa sa mga nabanggit na barangay ay ang walang humpay na pag-ulan dulot ng bagyong Hanna at Habagat kaya’t lumambot ang lupang kinatitirikan ng mga istraktura rito.

Samantala, dalawang evacuation sites naman mula sa 3S Center sa Mapulang Lupa at sa lumang barangay hall ng Ugong  ang nakahandang pagdalhan ng mga apektadong pamilya na aabot sa 113 katao.

Pinakilos na rin ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang mga tauhan ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), City Disaster Risk Reduction and Management Office at ng City Engineering Office upang tingnan ang kondisyon ng iba pang lupa sa paligid ng gumuhong lugar at nang masiguro na hindi na madaragdagan ang mga pamilyang apektado ng nasabing pagguho ng lupa. Merly Iral