Home NATIONWIDE 29 Indonesian human trafficking victims napauwi na ng BI, PAOCC

29 Indonesian human trafficking victims napauwi na ng BI, PAOCC

MANILA, Philippines- Naibalik na sa kanilang bansa ang nasa kabuuang 29 Indonesian nationals na naunang nailigtas ng mga opisyal ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at Bureau of Immigration (BI) noong Sabado ng gabi.

Nabatid na ang mga biktima ay nailigtas noong Pebrero 14, sa kahilingan para sa tulong ng embahada ng Indonesia.

Napilitan umano ang mga Indonesian na ipagpatuloy ang pagtatrabaho sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) scam hubs sa Paranaque City.

Batay sa ulat, inilipat ang mga nasabing dayuhan sa isang scam hub sa Cambodia matapos ihinto ng kanilang employer ang operasyon sa Pilipinas noong Enero.

Ang mga dayuhan ay inilipat mula sa PAOCC Custodial Facility patungo sa NAIA Terminal 3 bandang alas-4 ng hapon, kung saan sila sumakay ng 7:55 PM flight papuntang Jakarta, Indonesia.

Ang mga nasagip na indibidwal ay sinamahan ng mga opisyal ng PAOCC at BI. JR Reyes