GAANO ba talaga kagrabe ang korapsyon?
Kanya-kanyang salita ang mga politiko sa usaping ito, lalo na ang mga may kalaban.
At normal na nagsasalita sila ukol dito.
Expose rito, expose roon sa mga korapsyon para masira ang kanilang mga kalaban.
Depensa rito, depensa roon naman ang iba sa mga akusasyon.
SINDIKATO SA PAGNANAKAW
Nitong Araw ng Pambansang Kalayaan, Hunyo 12, nanguna sa pagbatikos sa korapsyon si Vice President Sara Duterte.
Sa kanyang talumpati sa okasyon sa harap ng dambana ni Gat Jose Rizal, sinabi nitong sobra-sobra na ang nakawan sa kaban ng bayan.
Tinawag nitong sindikato ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan, sa pamumuno mismo ni Pangulong Bongbong Marcos, at gusto niyang makita hanggang dulo ang kawalanghiyaan dito.
Nitong katapusan ng April 2026, naglabas mismo si dating Speaker Martin Romualdez ng kanyang nalalaman at nakikilala sa grabeng korapsyon.
Aniya, ginagamit lang siyang escape goat o sangkalan at inginuso nito ang Ehekutibo na siyang may pakana ang lahat.
At kung patungo ang lahat sa pinakamasamang pangyayari, sinabi nitong “he will not go down alone”.
Isasama niya sa hukay ang lahat ng kakilala niyang mga tiwali.
Naririyan naman si Baguio City Benjie Magalong na nagsabi kamakailan lang sa interbyu ni Joey Hizon na 90% ang korap sa mga mga mambabatas sa Kamara.
Hindi naman nagpasimula ng imbestigasyon ang Kamara ng imbestigasyon dahil silang mga kongresman ang pangunahing pinatutungkulan na korap sa flood control program.
Inamin na rin mismo ni Pangulong Bongbong Marcos ang malawakang kabulukan nang sabihin nito sa kanyang State of the Nation Address ang “Mahiya naman kayo” sabay-sabing dapat may makulong.
Pero kasaysayan nang normal na normal ang mga pahayag ng mga politiko laban sa korapsyon bilang panira sa kanilang mga kalaban, paraan ng pang-aagaw ng kapangyarihan o kaya’y pasimula ng claim na itutuwid nila ang lahat, kasama ang pagpapanagot sa mga korap at pagbawi sa mga nakaw na yaman.
CHIEF JUSTICE ALEXANDER GESMUNDO
Ang kakaiba at talagang nakakokonsyensya, mga Bro, ay kung ang mga Hukom mismo sa Supreme Court ang nagsasalita na.
Si Chief Justice Alexander Gesmundo ay nagsabi nitong Araw ng Pambansang Kalayaan na ang korapsyon ang kumakadena o gumagapos sa ating kalayaan bilang bayan.
Kakambal ng korapsyon ang kahirapan na nagpapawalang halaga sa kalayaan ng sambayanan.
Bago nito, binulaga ng SC ang pamahalaang Marcos sa desisyon nitong ibalik ng pamahalaan ang P60 bilyong pondo ng PhilHealth na kinorap nito.
Sa ngayon, binubusisi ang daan-daang bilyong unprogrammed funds na kinorap ng pamahalaan.
Sa unprogrammed funds noong 2023, 2024 at 2025 pinagkukunan ng grabeng nakaw na yaman ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Kung ano-ano ang magiging desisyon ng SC sa unprogrammed funds sa reklamong unconstitutional ito o hindi, maghintay tayo.
Ngunit kasama sa mga inuusisa ng SC ang buong 2024, 2025 at 2026 national budgets dahil sa mga insertion o paningit na pondo na sinasabing pinagdudukutan ng mga nakaw na yaman.
Sana naman, madurog na nang husto ang korapsyon na nagbubunga ng kahirapan at iba pang krisis panlipunan na nagpapahirap sa buong sambayanan.






