MAKARAANG maghayag si Baguio City Mayor Benjie Magalong ng kanyang paniniwala at nalalaman ukol sa korapsyon sa interbyu ni Joey Hizon ng ANC nitong nagdaang araw, hayan na, agad na nag-react ang isang kongresman.
Si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong iyon.
Ani Adiong, dapat pangalanan ni Magalong kung sino-sino ang mga 90% ng ngayo’y 318 kongresman na binubuo ng 254 district representatives at 64 Party-list representatives.
Dapat umanong pairalin ang due process kung sinoman ang mapangangalanan at dapat may ebidensyang tangan-tangan ang sinomang nag-aakusa.
At huwag idamay ang buong institusyon o Kamara mismo na handa naman umanong mag-imbestiga kung kinakailangan.
Tama naman si Adiong ngunit kasaysayan mismo ng Kamara ang nagsasabing kabaligtaran ang nagaganap.
Isinara mismo ng Kamara ang anomang imbestigasyon sa pangunguna ni Ilocos Norte Congressman Sandro Marcos na nagsabing alangang sila ang mag-imbestiga kung sila mismo ang inaakusahan.
Ipinahayag ito ni Cong. Sandro makaraang mariing sabihin ng kanyang amang si Pangulong Bongbong Marcos sa State of the Nation Address ang mga salitang, “Mahiya naman kayo!” patungkol sa mga mambabatas at iba pang sangkot sa korapsyon sa P1.3 trilyong flood control program scandal at P400 iba pang iskandalong may anyong kikbakan o nakawan.
Kaya naman, hanggang ngayon, wala ni isang imbestigasyon ang isinasagawa ang Kamara sa usapin at sa halip, si Vice President Sara Duterte ang iniimbestigahan at ini-impeach at kung saan kasama si Adiong sa mga prosecutor.
Ang desisyong ito ng Kamara ang magpapasinungaling sa pahayag ni Adiong na handa silang mag-imbestigas sa flood control scam.
Ang isa ring mahalagang usapin: Nagsabi na rin si DPWH contractor Curlee Discaya na may 150 iba pang kongresman na kanyang pangangalanan na kikbakero, bukod sa 17 napangalangan na niya noong nag-testify ito sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa ilalim ni Sen. Rodante Marcoleta.
Isang tanong: Bakit higit na nakararaming kongresman ang nagpapairal ng nakabibinging katahimikan sa sobrang laking nakawan sa pamahalaan?






