Home OPINION 2K OBRERO KASSSANGGA COLLECT PROGRAM MEMBERS NA

2K OBRERO KASSSANGGA COLLECT PROGRAM MEMBERS NA

 MAHIGIT 2,000 na job order workers ng Provincial Local Go­vernment Unit ng Batanes ang magkakaroon na ng social security protection sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program (KCP) matapos maging pinakabagong tagapagpatupad ng programa ang lalawigan.
Nilagdaan nina SSS President at Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet at Batanes Governor Marilou Cayco ang isang MOA o Memorandum of Agreement na nagbibigay-raan upang makakuha ng social security coverage mula sa SSS ang mga JO worker ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program.
“Ipinakikita lamang nito na ang SSS ay committed sa mandato nito na palawakin ang social security protection at mga serbisyo sa lahat ng manggagawang Pilipino, hanggang sa mga pinakamalayong probinsya sa Pilipinas tulad ng Batanes,” ani Macasaet.
Ipinaliwanag ni PCEO Macasaet na sa ilalim ng KaSSSangga Collect Program, ang mga JO worker ng PLGU ire-register bilang SSS self-employed members. Kasabay nito, ang PLGU Batanes ang magsisilbing SSS collecting partner na siyang ma­ngongolekta ng kontribusyon ng mga JO worker sa pamamagitan ng salary deduction scheme at ire-remit ito sa SSS.
“Ang napapanahong pagre-remit ng buwanang premium ay titiyakin na ang mga JO worker ay kwalipikadong makinabang sa mga benepisyo at pribilehiyo ng SSS loans sa panahon ng emergencies,” sabi ni Macasaet.
Ipinaliwanag niya na ang mga JO worker, bilang self-employed members, ay maaaring makinabang sa mga benepisyo ng SSS tulad ng sickness, maternity, disability, retirement, death, at funeral. “Maaari rin silang makinabang sa mga loan privile­ges tulad ng salary at calamity loans.”
Sa kasalukuyan, ang contribution ay nasa 14 percent at ang basehan ng monthly salary credit para sa kontribusyon ay mula Php 4,000.00 hanggang Php 30,000.00 para sa mga self-employed.
Ang pinakamaliit na kontribusyon ay Php 570.00 kung saan Php 560.00 ay napupunta bilang SSS contribution habang ang Php 10.00 ay EC contribution.
Ang pinakamalaking kontribusyon naman ay nasa Php 4,230.00 na nahahati sa Php 2,800.00 na SSS contribution, Php 30.00 bilang EC contribution, at ang Php 1,400.00 ay para sa mandatory My.SSS Pension Booster.
Bukod sa mga benepisyo ng SSS, idinagdag niya na sila ay may karapatan din na makatanggap ng Employees’ Compensation (EC) benefits sakaling magkasakit, masaktan, o mamatay na may kaugnayan sa trabaho.