NOONG naupo bilang hepe ng National Capital Region Police Office si PMGen Jose Melencio Nartatez, Jr. marami ang nainis sa kanya dahil sa sobrang istrikto nito at marami sa mga pulis na may kaso at sangkot sa mga maling gawain ay kanyang sinibak sa tungkulin. Pero sa paglipas ng mga araw, buwan at ngayon ay taon, natuklasan nila na disiciplinarian si Nartatez at iyon ay para na rin naman sa kanilang ikabubuti.
Ngayon ay nauunawaan na nila na ang kanilang regional director ay naghahangad ng kanilang kabutihan sapagkat ayaw nito na mahaluan ang maaayos at matitinong pulis na kanyang nasasakupan ng mga bulok at iskalawag. Ngayon, ang NCRPO cops ay modelo ng kaayusan at tanglaw ng pag-asa.
Ang NCRPO cops sa ngayon ay pawang high morale sapagkat batid nila na ang kanilang RD ay makatao at totoong nagseserbisyo sa mamamayan. Patunay nito ang utos sa kanila sa proyekto nito para sa community engagement kung saan ang mga pulis ang pinapupunta sa mga pamayanan at hindi ang mga mamamayan ang nagtutungo sa presinto.
Mabilis ang pagtugon sa problema nitong si Nartatez kaya naman ang mga mamamayan ng Metro Manila mula sa 16 na lungsod at isang munisipalidad ay bumalik ang tiwala sa pulis na dati ay kanilang kinatatakutan bunga nang paghahari-harian ng mga ito sa kanilang pamayanan.
Isa pang dahilan kung bakit mataas ang moralidad ng mga pulis NCRPO ay dahil sa hindi sila tinitipid ni Nartatez sa mga parangal at pagkilala kung saan ay ibinibigay sa kanila tuwing isinasagawa ang “Traditional Monday Flag Raising and Awarding Ceremonies” sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Mula nang maupo si Nartatez sa NCRPO may isang taon na ang nakararaan, mahigit 1.2 milyong parangal at pagkilala ang naibigay sa mga pulis na maayos na gumaganap sa kanilang tungkulin partikular sa kanilang malawakang kampanya laban sa iligal na droga at krimen.
Ngayong tag-ulan, mahigpit ang paalala ni Nartatez sa kanyang mga tauhan na isuot ang tamang uniporme upang maging mabilis at maayos nilang maisasagawa ang kanilang trabaho na magserbisyo sa pamayanan.
Maalaga si Nartatez sa kanyang mga tauhan at makatao ito sa lahat ng mamamayan kaya hindi nito kinalilimutan na laging magpaalala na na mas magandang maging “pro-active” sa pagresponde tulad sa oras ng kalamidad o sakuna kung kaya dapat na magtayo agad ng “command post” at buhayin kaagad ang Disaster Incident Management Task Group o DIMTG nang sa ganoon ay mas mabilis ang pagliligtas sa mga tao na nasa kagipitan.
Noong Agosto 8, sa pagdiriwang ng 123 Police Service Anniversary, dahil sa mahusay na pamumuno ng kanilang RD, nagkamit ng mga natatanging karangalan at pagkilala ang NCRPO.
Tinanggap ng NCRPO na pinangunahan ni Nartatez ang dalawang natatanging parangal — Special Unit Award (Philippine National Police Unit- Police Regional Office Level) at Best Unit for the “Most Number of Arrest on Illegal Drugs-Police Regional Office Level”.
Patunay lang ang mga parangal na sinisikap ng regional director ng NCRPO na maipatupad ang komprehensibong estratehiya upang maging matagumpay ang mga operasyong isinasagawa ng kanyang mga opisyal at mga tauhan upang maging ligtas ang mga residente at mga mamamayan ng komunidad na kanilang pinagsisilbihan.
Ngayon, mahal na mahal ng NCRPO cops si Gen Tateng, tawag kay Nartatez ng mga malalapit at kakilala niya. Iyan ang walang kaduda-duda.