Nagiging personalan na ang lumalalang alitan sa pagitan nina Davao City Mayor Sebastian ‘Baste’ Duterte at Police Regional Office 11 director P/BGen. Nicolas Torre lll.
Nagsimula ang kanilang sigalot nang sabihin ni Duterte ‘in public’ na sasampalin si Torre matapos i-reshuffle ng heneral ang city police force na ikinagalit ng alkalde.
Tinawag din ng punong-lungsod na ‘professional liar’ si Torre matapos din nitong ibulgar na hindi safe ang Davao City tulad ng ipangalandakan ng mga Duterte.
Ayon sa miyembro ng Philippine National Police Academy – Taga-Paglunsad Class of 1993, ang kriminalidad ay ‘dino-doctor’ para lumabas na mababa o walang krimen sa lungsod.
Matapang na hinamon ni Torre si Duterte na sampahan siya ng kaso sa kanyang pahayag na hinuhukos-focus ang laman ng blotter para magmukhang peaceful ang Davao City.
Kung saan patungo ang tumitinding away ng dalawa ay ‘di natin alam pero ang ‘di maitatatwa ay may isang nilalang na kumakasa sa umaastang haring mga Duterte sa katauhan ni Torre.
Itinalaga sa puwesto noong Hunyo 16, pinalitan ni Torre si P/BGen. Anthony Aberin na tinanggal sa posisyon matapos ang ‘di matagumpay na pag-serve ng warrant of arrest kay Pastor Apollo Quiboloy.
Anoman ang naging dahilan at panuntunan ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil sa pagpili kay Torre na pamunuan ang PRO 11 ay siya lamang ang nakakaalam.
Ang batid lang natin ay lugar ito ng mga Duterte na pinamumugaran ng Diehard Duterte Supporters o DDS at kanlungan ni Quiboloy et al na wanted ng Philippine at US authorities dahil sa iba’t ibang kaso.
Alam ng lahat kung sino ang mga Duterte at Quiboloy sa bahaging ito ng Mindanao kaya ‘di ko ma-imagine – si Torre sa loob ng “Lion’s den” kung paano mapagtagumpayan ang panibagong laban na ito ng kanyang maningning na police career.