Home METRO 2K pamilya nawalan ng tahanan sa sunog sa Isla Puting Bato

2K pamilya nawalan ng tahanan sa sunog sa Isla Puting Bato

MANILA, Philippines- Hindi bababa sa 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos ang matinding sunog na sumira sa residential community ng Isla Puting Bato sa Tondo, Maynila, kahapon, Nobyembre 24.

Ayon sa Manila Fire Department, humigit-kumulang isang libong bahay ang naabo sa sunog nang sumiklab bandang alas-8 ng umaga.

Umabot sa Task Force Charlie ang sunog dahilan  upang rumesponde ang mga fire marshal sa buong rehiyon ng Metro Manila.

Tumulong din ang Philippine Air Force kung saan nagpadala ng dalawang aircraft upang umagapay sa pag-apula ng sunog habang apat na karagdagang fire boats ang pinakilos.

Karamihan sa mga natupok na bahay ay gawa sa light materials dahil maraming residente ay informal settlers.

Ayon sa BFP, ang malakas na hangin ay isa sa dahilan ng mabilis na pagkalat ng apoy sa mga kabahayan.

Nahirapan naman ang mga bumbero  na pasukin ang lugar dahil sa napakaliit na daan na sinabayan pa ng mga residente na nagmamadaling lumikas sa sunog. Bagama’t nagkaroon ng pagkakataong pwesto sa MICT, kinailangan namang gumamit pa ng ladder bukod pa sa kinailangang sirain ang bahagi ng pader.

Karamihan din sa mga residente ay minabuting sa baybayin dumaan sa pamamagitan ng pamamangka, paggamit ng styrofoam  dahil nasaraduhan na ng malaking apoy ang kanilang labasan.

Ilang bumbero din ang iniulat na sugatan dahil sa malaking sunog.

Samantala, ang ilan sa mga residente ay nanuluyan sa Del Pan Evacuation Center.

Pagtitiyak ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na makakatanggap ng cash aid, pagkain, at mga materyales para sa muling pagtatayo ng kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng lokal na pamahalaan, DSWD, at sa iba pang mapagkukunan. 

Sinabi rin ni Lacuna na hiniling nito sa Konseho na magdeklara ng state of calamity sa mga apektadong barangay.

Maghahanap din aniya ng paraan para sa relokasyon ng mga apektadong residente dahil ang Isla Puting Bato ay hindi na ligtas na lugar para sa kanila. Jocelyn Tabangcura-Domenden