Home NATIONWIDE Mas malinaw na pagbabago sa Party-list Law sinisilip ng Comelec

Mas malinaw na pagbabago sa Party-list Law sinisilip ng Comelec

MANILA, Philippines- Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) noong Linggo na ang desisyon ng Korte Suprema na ibasura bilang P3PWD party-list nominee noong 2022 si dating poll commissioner Rowena Guanzon ay nagbigay-daan para sa mas malinaw na mga alituntunin kung paano dapat amyemdahan ang  Party-list Law.

Ayon kay Comelec chairman George Garcia, gagamitin ng poll body ang desisyon ng Mataas na Hukuman na itulak ang pag-amyenda sa mga umiiral na patakaran sa party-list groups, partikular pagdating sa pagpapalit ng mga nominado.

Nauna nang pinagbigyan ng SC en banc ang petisyon na humihiling na tanggalin si Guanzon sa listahan ng mga nominado ng Komunidad ng Pamilya, Pasyente at Persons with Disabilities (P3PWD) party-list sa 2022 national at local elections. 

Sa 131-pahinang desisyon, pinagtibay  ng SC ang petisyon na inihain ng Duty to Energize the Republic Through the Enlightenment of the Youth (Duterte Youth) party-list na humihiling na ideklara ang Comelec resolution na nagpapahintulot sa substitusyon kay Guanzon bilang P3PWD nominee, bilang walang bisa.

Dahil dito, inalala ni Garcia ang patakaran ng poll body sa paghahain ng certificates of candidacy para sa 2025 midterm elections, kung saan ipinagbawal nila ang pagpapalit ng mga kandidato pagkatapos ng huling araw ng paghahain kung gagawin ang substitution dahil sa pag-atras ng kandidato.

Ayon kay Garcia, hindi na pwedeng magkaroon ng palitan lalo na kapag ito ay panahon na o matapos na ang eleksyon.

Noong Oktubre, nanawagan ang Comelec ng “kumpletong pag-aayos” ng Party-list Law upang matugunan at maipakita ang mga kasalukuyang isyu. 

Sinabi noon ni Garcia na “panahon na” upang muling suriin at rebisahin ang Republic Act (RA) No. 7941, na nagtatakda ng mga probisyon para sa party-list system sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden