MANILA , Philippines- Kasado ang ikalawang edisyon ng “Cope Thunder” air exercises mula June 17 hanggang 28 ng kasalukuyang taon.
Sa briefing nitong Miyerkules ng hapon, sinabi ni Philippine Air Force (PAF) spokesperson, Col. Ma. Consuelo Castillo, na ang aktibidad sa pagitan ng PAF at ng US Air Force ay isang follow-up sa unang edisyon ng drill na naganap noong April 8 hanggang 19.
“We have our upcoming bilateral activity with the United States Air Force which is “Cope Thunder Two’ which is the second iteration of this exercise. Focus on this exercise is (training for) large force deployment,” pahayag ni Castillo sa media briefing.
Tumutukoy ang large force deployment sa pagpapadala ng malaking bilang ng Air Force personnel at aircraft at iba pang kagamitan sa malalayong lugar.
Base sa PAF spokesperson, bahagi ang pagsasanay na ito ng paghahanda ng PAF para sa kauna-unahan nitong pakikilahok sa Royal Australian Air Force “Pitch Black” exercise kung saan makikibahag ang aktuwal na Filipino aircraft.
Lalahukan ang “Pitch Black” exercise, nakatakda sa July 12 hanggang Aug. 2 ng taong ito, ng mga tauhan at aircraft mula sa iba’t ibang bansa. Ang Australian air exercise ay isang biennial event at karaniwang isinasagawa sa Australia’s Northern Territory.
“So remember (the) ‘Pitch Black’ exercise will be the first ever multi-lateral exercise the PAF will be participating in with our aircraft, the FA-50 aircraft,” ani Castillo.
Tinatayang limang PAF FA-50s ang inaasahang makikibahagi sa multilateral exercise, dagdag niya. RNT/SA