MANILA, Philippines- Bagama’t may magkaibang politikal na prinsipyong pinanghahawakan ang Liberal Party (LP) at ang koalisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi inaalis ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman ang posibilidad ng partnership para sa 2025 midterm polls.
Sa press briefing sa Batasang Pambansa complex, tinanong si Lagman ukol sa mga plano ng LP para sa 2025 elections sa susunod na taon.
Tugon ni Lagman, incumbent president ng LP, sinimulan na umano nilang makipag-ugnayan sa political groups na may mga parehong idelohiya.
Sinabi ni Lagman na bukas sila sa mga opsyon sa posibleg alyansa sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ng Pangulo at sa Lakas-CMD ni House of Representatives Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
“We have kindred political parties which the LP has an alliance with, like the new party of former Senator Bam Aquino. We have an alliance there,” ani Lagman.
“Mukhang magkaiba ang prinsipyo ng LP doon sa ibang partido na hindi kami allied. But you know, options are open.”
“But definitely, we will have to contend with our basic tenets and principles as a political party,” patuloy niya.
Noong Mayo 8, dinaluhan ni Marcos ang pormal na paglagda sa alyasa sa pagitan ng PFP at Lakas-CMD.
Noon namang Mayo 18, kinumpirma ni Marcos na lalagda ang PFP sa isa pang alliance deal sa Nationalist People’s Coalition.
Ang LP ay bokal na kritiko ng pagkandidato ni Marcos noong 2022, kung saan aktibo nitong kinampanya ang pagtutol sa pagbabalik ng mga Marcos sa kapangyarihan.
Noong 2022, sinuportahan ng partido ang presidential bid ni dating Vice President Leni Robredo, na pumangalawa kay Marcos.
Hindi pa malinaw kung anong balak ng LP sa 2025, subalit inihayag ni Lagman na magtatalaga sila ng senatorial candidates, bagama’t hindi pa kumpleto ang hanay.
“We are certain to field our senatorial slate, but we might not be able to complete it because we should not over-extend our limited resources,” pag-amin niya.
“But definitely, we are filing credible and experienced list of candidates for the 2025 elections, which will be determining what would happen in 2028,” dagdag ni Lagman. RNT/SA