Home NATIONWIDE OFW na sugatan sa insidente sa Singapore Airlines flight ooperahan

OFW na sugatan sa insidente sa Singapore Airlines flight ooperahan

MANILA, Philippines- Sasailalim sa surgery ang overseas Filipino workers (OFW) na nagtamo ng neck fracture at back injuries kasunod ng Singapore Airlines turbulence accident, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sa abiso, sinabi ng DMW na ang Singapore-based Filipina OFW ay nasa “sensitive but stable” na kondisyon.

“She is set to undergo surgery tonight to address her neck fracture. No word as yet on the treatment or surgery options for her back injuries,” anang ahensya.

Idinagdag pa ng DMW na ang kinatawan mula sa Philippine Embassy sa Bangkok ay bumisita sa sugatang OFW sa hospital noong Miyerkules at isinagawa na ang arrangements sa isa sa kanyang miyembro ng pamilya upang masamahan ito habang siya ay nagpapagaling.

Samantala, na-confine naman ang 62-anyos na Filipino passenger ng nasabing flight sa intensive care unit (ICU) sa isang ospital matapos mawalan ng malay dahil sa insidente.

“Doctors are monitoring his condition for further evaluation and treatment,” sabi ng DMW na binanggit na ang pamangkin ng Pilipino na nakabase sa Bangkok ay siyang kasama rin.

Sa tatlo pang pasaherong Pinoy, iniulat ng Migrant Workers Office sa London na lahat sila ay nasa maayos na kalagayan.

“[T]he UK-based Filipina staff nurse and mother of the two-year-old male infant is already a permanent resident in the United Kingdom. Her husband is there on a dependent’s visa,” dagdag ng DMW.

Noong Martes, ang London-to-Singapore flight na SQ321 na may lulan ng mahigit 200 pasahero at 18 tripulante nasapul ng matinding turbulence sa Indian Ocean at bumaba ng 6,000 talampakan (halos 1,800 metro) sa loob ng halos tatlong minuto, bago gumawa ng emergency landing sa Bangkok, Thailand.

Hindi sinabi ng Singapore Airlines kung anong uri ng turbulence ang nangyari, ngunit pinaghihinalaan ng mga eksperto sa aviation na ito ay clear-air turbulence, na itinuturing na pinakamapanganib na uri ng turbulence.

Namatay sa insidente ang isang 73-anyos na British na pinaniniwalaang inatake sa puso.

Mahigit 100 pasahero ang sugatan habang 20 katao ang nasa intensive care sa Bangkok hospitals.

Tiniyak ng DMW na sasagutin lahat ng Singapore Airlines ang lahat ng gastusin ng mga apektadong pasahero na sakay ng nasabing flight.

Patuloy ding sinusubaybayan ang sitwasyon ng limang apektadong Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden