Home NATIONWIDE Pagtitiyak ni PBBM: Kapayapaan, seguridad sa Maguindanao prayoridad ng Marcos admin

Pagtitiyak ni PBBM: Kapayapaan, seguridad sa Maguindanao prayoridad ng Marcos admin

MANILA, Philippines- Nangako si  Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Huwebes na patuloy na ipaprayoridad ng kanyang administrasyon ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan ng Maguindanao.

Inihayag ito ni Marcos sa pamamahagi ng presidential assistance sa Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur.

”Mga kababayan, sa kabila ng mga programang ito, hindi natin kinakalimutan ang mga hamon sa seguridad na patuloy na iniinda dito sa Maguindanao del Sur. Ang kasaysayan ng kaguluhan ay nag-iwan ng marka sa magandang lupaing ito na patuloy na nakaka-apekto sa iyong pang-araw-araw na kabuhayan,” ani Marcos.

”Ngunit, alam kong malalagpasan natin ito. Tinitiyak ko sa inyo na ang kaligtasan ng ating mga mamamayan ay nananatiling prayoridad ng aking administrasyong,” dagdag niya.

Mahigit P30 milyong cash assistance ang personal na inabot ni Marcos sa mga mangingisda at magsasakang apektado ng El Niño phenomenon sa Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte at Lanao del Sur.

Namahagi si Marcos ng mahigit tig-P10 milyong cash assistance kina Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Mangudadatu; Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua; at Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto Adiong Jr.

Nagpaabot din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng P10,000 sa mga benepisyaryo. RNT/SA