Home NATIONWIDE 9 pang parak dawit sa pagpaslang sa Maguindanao Norte police captain

9 pang parak dawit sa pagpaslang sa Maguindanao Norte police captain

MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na siyam pang pulis ang kasama sa imbestigasyon sa pamamaril sa isang police captain sa bayan ng Parang sa lalawigan ng Maguindanao del Norte.

“There are four PCOs (Police Commissioned Officers) and seven PNCOs (Police Non-Commissioned Officers) who are subject of the pre-charge investigation of the Regional Internal Affairs Service and the Bangsamoro Autonomous Region police,” pahayag ni PNP spokesperson, Col. Jean Fajardo, sa isang press briefing sa kanilang Camp Crame headquarters nitong Miyerkules.

Kabilang sa mga nasabing pulis sina Master Sergeants Aladdin Ramalan at Shariff Balading, na nauna nang natukoy na kasama sa limang suspek na bumaril kay Capt. Rolando Moralde sa palengk sa nasabing bayan noong May 2.

Inihayag ni Fajardo na kabilang sa apat na PCOs ang mga hepe at administrative officers ng Rajah Buayan Municipal Police Station (MPS) sa Maguindanao del Sur at Matanog MPS sa Maguindanao del Norte.

Batay sa imbestigasyon, naka-assign sina Ramalan at Balading sa Matanog MPS at Rajah Buayan MPS.

Kapwa idineklara ang dalawang pulis na AWOL (absent without official leave) matapos hindi pumasok sa trabaho noong May 13, ilang araw matapos ipag-utos ng Maguindanao del Norte Provincial Prosecutor’s Office na palayain sila matapos ibasura ang murder charges laban sa kanila dahil sa kakulangan ng ebidensya.

Iniimbestigahan din ang tatlong kasamang pulis ng biktima at dalawa pang parak na nasa pamilihan nang maganap ang insidente.

“Accordingly ay may duty na pulis sa public market. So kasama rin iniimbestigahan yung sinasabi na tatlong pulis na supposedly kasama ni Capt. Moralde during that time but biglang nawala during the incident.,” paliwanag ni Fajardo.

Nahaharap sina Ramalan at Balading sa administrative cases para sa grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.

Samantala, tatlong suspek pa ang hindi nahuhuli.

Batay sa mga ulat, nasa palengke ang biktima at iba pang pulis nang mapansin niya ang isang lalaki na may nakasabit na baril sa bewang, na kalaunan ay kinilalang si Mohiden Untal.

Kinompronta ni Moralde si Untal subalit nanlaban ang suspek at binaril siya. Ginantihan naman nito ng putok ng baril si Untal.

Pinagbabaril ng limang suspek si Moralde na nagresulta ng kanyang kamatayan. Napag-alaman na mga kamag-anak sila ni  Untal. RNT/SA