Home NATIONWIDE 2nd round ng procurement process para sa 2025 elections kasado sa Enero...

2nd round ng procurement process para sa 2025 elections kasado sa Enero 8

MANILA, Philippines- Itutuloy na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasagawa ng bidding para sa gagamitin na teknolohiya sa 2025 midterm election.

Ayon kay Comelec Spokesman Atty. John Rex Laudiangco, itinakda ang second round ng procurement bidding sa Enero 8.

Ang pagtakda ng pangalawang round ng bidding ay makaraang ideklara ang failure of bidding ng komisyon noong nakaraang Disyembre 14 dahil sa kakulangan ng mga rekisitos na isinumite ng nag-iisang bidder na Joint Venture na Miru System Company Limited.

Sa kabila nito, sinabi ng Comelec na maari pa ring makilahok ang Miru sa second round ng bidding.

Susuriin pa rin ng Bids and Awards Committee ng Comelec ang mga dokumento ng Joint Venture at iba pang mga kompanya na nais sumali.

Samantala, hindi pa rin daw pahihintulutan ng Comelec ang Smartmatic na sumali sa bidding matapos itong mapatunayan na nakipagsabwatan kay dating Chairman Andres Bautista sa maanomalyang kontrata noong 2016 election.

Ito ay kung wala pa rin daw makukuha na Temporary Restraining Order sa disqualification case na denisisyunan ng Comelec laban sa nasabing kompanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleSekyu tiklo sa indiscriminate firing sa pagdiriwang ng bagong taon
Next articlePNP walang namo-monitor na banta sa Traslacion 2024