Home NATIONWIDE 3.4K trabaho sa ibang bansa alok sa mga kababaihan sa DMW job...

3.4K trabaho sa ibang bansa alok sa mga kababaihan sa DMW job fair

MANILA, Philippines- Sa pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng kababaihan, idinaos ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ‘Mega Job Fair Para sa mga Kababaihan’ na nag-alok ng 3,470 pagkakataon sa trabaho para sa mga kababaihang naghahanap ng trabaho sa ibang bansa.

Binanggit sa job fair na idinaos sa Robinsons Galleria sa Quezon City ni DMW Undersecretary Felicita Bay ang kahalagahan ng kaganapan sa pagkilala sa mga kontribusyon ng kababaihang manggagawa sa bansa.

Sinabi ni Bay na ang mga manggagawang kababaihan ay mahusay sa mga skilled at propesyonal na larangan na binabasag ang mga hadlang sa mga industriya na dating pinangungunahan ng mga lalaki.

Kabilang sa mga sektor na nag-aalok ng trabaho ay ang hospitality at turismo, healthacre, manufacturing at skilled trades tulad ng factory workers; wellness gaya ng hairdressers, nail technicians, beauty salons at maritime and shipping industry.

Ang mga bansa na kailangan ng deployment ay Saudi Arabia, Qatar, Oman, United Arab Emirates, Hungary at Brunei. Jocelyn Tabangcura-Domenden