Home METRO 3 abortionist laglag sa entrapment ops sa Bocaue

3 abortionist laglag sa entrapment ops sa Bocaue

Bulacan – Arestado ang tatlong pinaghihinalaang abortionist matapos kumasa sa entrapment operation ng pulisya sa bayan ng Bocaue.

Sa nakalap na impormasyon, pansamantalang itinago ang pagkakakilanlan ng 53 anyos na sinasabing midwife at dalawang assistant sa abortion.

Sa report, nag-ugat ang entrapment matapos mapag-alaman ng PNP-Anti-Cybercrime Group ang alok sa Facebook post ng mga abortionist sa mga nais magpalaglag sa halagang P15,000.

Dahil dito, isang ahente ng PNP-ACG ang nagpanggap na kliyente na isinama ng mga suspek sa kanilang bahay para isagawa ang abortion kaya agad silang inaresto.

Nabatid na target ng mga suspek ang mga kababaihan na ayaw o hindi inaasahan ang pagbubuntis sa halagang nabanggit.

Nahaharap ang mga suspek sa kaukulang kaso. Dick Mirasol III