Home METRO 3-anyos patay matapos mahulog sa dagat

3-anyos patay matapos mahulog sa dagat

MANILA, Philippines – Patay ang isang tatlong taong gulang na bata matapos na malunod matapos na mahulog sa dagat mula sa kanilang stilt house sa Sta. Cruz, Davao del Sur.

Sinabi ng ina ng bata na si Josie Albios, na dumating siya bandang 3:30 ng umaga noong Mayo 22, 2024 mula sa pag-iigib ng tubig.

Sa sobrang pagod ay natulog siya ulit at sinabihan ang gising na ang anak niyang si Kurt na matulog ulit.

Kinalikot umano ni Kurt ang cellphone nang makatulog si Josie.

Bago mangyari ang insidente habang natutulog si Josie ay pinaghahalikan pa umano siya ng kanyang anak pero hindi na ito napansin dahil sa sobrang pagod.

Naniniwala ang pamilya na maaaring nadulas si Kurt sa isang butas sa bahay at nahulog sa tubig. High tide noon.

Makalipas ang isang oras, natagpuang walang buhay ang bangkay ni Kurt humigit-kumulang 50 metro ang layo mula sa kanilang bahay sa Purok Badiawan, Barangay Zone 3. RNT