RIZAL, Philippines – Tatlong indibidwal ang inaresto sa umano’y ilegal na bentahan ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules, Mayo 6, matapos ang buy-bust operation.
Ayon sa Rizal Police Provincial Office, ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “Elvira,” 51; “Ruth,” 36; at “Rodel,” 26. Nadakip sila sa Sitio Harangan, Barangay San Isidro bandang 3:49 p.m.
Isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y ilegal na LPG trading sa lugar. Nahuli umano ang mga suspek na aktong lumalabag sa Republic Act 11592 o LPG Industry Regulation Act.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang ₱8,481,000 na halaga ng kagamitan, kabilang ang mga LPG cylinders (11-kilo at 2.7-kilo), storage tanks, at iba pang gamit sa operasyon.
Aabot sa 248 piraso ng empty 11-kilogram LPG cylinders at 22 piraso ng 2.7-kilogram cylinders ang nakumpiska.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nagpaalala ang Rizal PPO na mahigpit na ipinatutupad ang batas laban sa ilegal na LPG trading dahil direktang nakakaapekto ito sa kaligtasan ng publiko. RNT/MND