Home METRO 3 arestado sa panloloko

3 arestado sa panloloko

MANILA, Philippines – Tatlong indibidwal ang inaresto ng National Bureau of Investigation – Cordillera Administrative Region (NBI-CAR) sa Baguio City dahil sa fraudulent acts.

Kinilala ang mga suspek na sina Lioric Amiel Chan Cervantes, Kyle Dean Sia Tabayocyoc at Christopher Leo Culta Maala na kapwa sinampahan ng kasong Estafa, Falsification of Private documents at Illegal Possession of Firearms.

Sinabi ng NBI na ayon sa complainant, sinabihan nito ang kanyang accountant na maghanap ng makakatulong sa pagproseso ng tax ng kanyang kumpanya sa BIR-RDO ng Quezon City at San Fernando, La Union.

Ipinakilala naman sa kanya ng accountant ang suspek na si Amiel na nagsiguro sa complainant na mayroon siyang kaibigan sa BIR na makakatulong para maayos ang kanyang isyu ng may ‘fee’.

Nakumbinsi ni Amiel ang complainant na magbigay ng kabuuang halaga na P3.4 milyon sa ibat-ibang pagkakataon.

“Receipts were given to complainant denominated as Processing and Fixations allegedly signed by the high-ranking officers of BIR,” ayon sa NBI.

Nang i-follow up ng complainant ang update, muling humirit si Amiel ng karagdagang P750,000 para naman umano sa bayad sa SEC upang alisin umano ng naturang tanggapan ang kanyang kumpanya sa blacklist.

Gayunman, nang malaman ng complainant na niloloko lamang siya matapos personal na magberipika sa SEC, agad siyang naghain ng reklamo sa NBI-CAR dahilan para ikasa ang entrapment operation na nagresulta ng pag-aresto kay AMIEL na tumanggap ng marked money.

Naaresto rin ang kanyang kasabwat na si Kyle na bodyguard ni Amiel at nasa posesyon nito ang dalawang baril at bala, gayundin ang driver na si Christopher. Jocelyn Tabangcura-Domenden