Home METRO 3 aso patay sa sunog sa Pasay

3 aso patay sa sunog sa Pasay

MANILA, Philipines- Aabot sa 15 pamilya ang apektado habang namatay naman ang tatlong aso na na-trap sa sunog na tumupok sa walong kabahayan sa Pasay City Sabado ng umaga, Abril 5.

Base sa inisyal na report ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang 10:34 ng umaga sa isang bahay na bagsakan ng buko sa Delas Alas Subdivision, Barangay 57, Pasay City.

Bukod sa tatlong aso na na-trap at namatay sa sunog ay may naiulat din na isang residente at isang bumbero ang nasugatan na nagtamo lamang ng minor injuries.

Mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang kabahayan na gawa lamang sa semi-light materials.

Napag-alaman din sa mga residente na nagsimula ang sunog dahil sa kumislap na extension cord na sinaksak ng isang bata para gagamitin sana sa pagbukas ng electric fan.

Ayon sa isang residente na biktima ng sunog na si alyas Remedios, buko vendor, nadamay sa sunog ang kanyang inipon na P200,000 na pambili sana ng lupa sa Bulacan.

Si alyas Jhonie naman na biktima din ng naganap na sunog ay agad na tumungo sa lugar matapos maapula ng mga bumbero ang nasunog niyang bahay upang maisalba ang kanyang naitagong P40,000 na kanyang inilaan para sa pambayad ng matrikula ng kanyang mga anak ngunit nanlumo ito nang kanyang madiskubreng naabo na rin ang kanyang naipong pera.

Tinatayang aabot sa P450,000 ang halaga ng ari-arian na napinsala sa sunog na umabot sa ikatlong alarma habang idineklara naman ang fire out dakong alas 12:06 ng tanghali. James I. Catapusan