Home OPINION 3 BARKO NAGLIYAB; MAY PINOY BA ROON?

3 BARKO NAGLIYAB; MAY PINOY BA ROON?

TATLONG barko ang magkakasunod na nasunugan makaraang tamaan ng missiles ng mga Houthi sa Gulf of Aden, malapit sa Yemen nitong nagdaang mga araw.

Isa ang nasa 80 nautical miles sa southeast ng Gulf of Aden mula sa Yemen.

Iniulat na nagkasunog ang “forward station” o harapan nang tinamaan ng missile subalit naapula naman ng mga tripulante.

Hinabol pa ang barko ng maliliit umanong bangka at pinaputukan ito ng mga baril habang hindi tumama ang pangalawang missile.

Tinamaan din ang isa pang barko na may layong 83 nautical miles sa southeast ng Gulf of Aden ng isang missile.

Nagkasunog ang tinamaan na bahagi nito ngunit napatay rin ng mga crew ang sunog.

May isa pang barko na tinamaan sa likod at nagkasunog ngunit hindi pa malamang uri ng bomba o missile ang ginamit.

May layo itong 70 nautical miles mula sa Yement at nasa southwest naman ng Aden.

MAY PINOY SEAMAN BA?

Pangunahing katanungan, mga Bro, ukol sa pangyayari ay nauukol sa kung may Pinoy o wala sa mga barkong ito.

Sinasabi na walang namang nasaktan sa mga crew o seaman na humahawak sa mga barko at magandang balita ito.

Kung ganito ang kalagayan, wala namang dapat ipag-alala kahit may Pinoy na crew.

Pero kaiba ang magaganap sa atin kung may masasawi na naman katulad ng dalawang sinawim-palad sa barkong True Confidence na tinamaan ng missile nitong nakaraang Marso 2024.

Nasunog ang bangkay ng mga ito dahil sa hirap ng pag-apula sa apoy nang masunog ang barko.

May mga pagbabawal na sa mga Pinoy na bumiyahe sa Gulf of Aden, Red Sea at Bab al-Mandad Strait na nagdurugtong ng dalawang naunang karagatan.

Pero mapipigilan ba ang pakikipagsapalaran ng Pinoy Seamen?

Alam naman ng lahat kung bakit nag-aabrod ang mga Pinoy at marami ang nais magsakripisyo para sa kanilang pamilya.

Bagay na hindi nila makakamit ang bunga ng sakripisyo kung narito lang sila sa Pinas.

Whew!

MASAMANG PANAHON KAHIT SAAN

Sa Germany, panay ang mga pag-ulan at malalakas na hangin na nagpatumba sa mga puno at gumiba sa mga bahay.

May ilan nang namatay, kasama ang isang rescuer ng gobyerno sa Bavaria nang tumaob ang bangkang sinasakyan niya at mga kasama niyang nagsasagawa ng mga rescue operation.

Nitong nakaraang kalagitnaan ng Mayo, may 300 na namatay sa baha sa Afghanistan at bago nito, may 12 ring namatay sa Oman.

At kasabay nito ang mga malalakas na tornado, ulan at baha sa maraming estado ng United States gaya ng Texas, Florida, Alabama, Louisiana, Mississippi at iba pa at may mga namatay rin nitong nagdaang mga araw.

Tila sabay-sabay ang maraming bansang sinasalakay ng masamang panahon.

Sa Pinas, idineklara na PAGASA na tapos na ang El Niño at dumating na ang La Niña sa Pinas.

Sana nakahanda na tayo lahat na sumuong sa mga nakamamatay na kalamidad na likha ng darating na masasamang panahon.