MANILA, Philippines – Sinamantala umano ng mga scammer ang pagkamatay ng tatlong menor de edad sa sunog sa Sta. Mesa, Maynila upang makapanloko.
Si Khat, ina ng mga biktima, ay patuloy na nagdadalamhati sa pagkawala ng tatlo sa siyam niyang anak na nasawi sa sunog noong nakaraang Martes. Ngunit higit pang dumagdag sa kanyang sakit ang ulat na ginagamit ng mga scammer ang trahedya upang manghingi ng pera sa iba sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang kamag-anak.
“May nagpanggap na tatay ng mga anak ko… Lumaban ka ng patas. Huwag mong gamitin ang kahinaan ng iba para sa sarili mong kapakanan,” sabi ni Khat. Dagdag pa niya, “Kung sa’yo nangyari ito, baka mas hindi mo kayanin.”
Ayon sa kanya, alas-singko ng hapon nang magsimula ang sunog. Masuwerte umanong nailigtas ng kanyang pang-anim na anak ang dalawa nitong kapatid na kambal bago tuluyang kumalat ang apoy. Sinubukan niyang bumalik sa loob upang sagipin ang tatlo pa niyang anak na natutulog ngunit pinigilan siya ng mga kapitbahay.
Naghanap umano ng mga fire extinguisher ang ilang residente, ngunit wala raw laman ang mga ito.
Mariin naman itong itinanggi ng barangay, na nagsabing isa lamang ang walang laman. Sinabi ni Barangay Captain Francisco Blanco na ginawa nila ang lahat upang tumulong.
Ayon sa barangay, matagal nang walang kuryente ang bahay at wala ring bintana na pwedeng paglabasan ng usok.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang malaman ang sanhi ng sunog.
Samantala, kinuwestiyon ng pamilya ang naging tugon ng mga awtoridad. “Dapat bago dinala sa funeral, sa ospital muna para marevive. Hindi naman sila nasunog, nasuffocate lang,” tanong ng pamilya.