Home OPINION COA AT P229B DPWH PROJ. AT ZALDY CO

COA AT P229B DPWH PROJ. AT ZALDY CO

NOONG kasagsagan ng National Rally for Peace ng nasa 1.8 milyong miyembro ng Iglesia ni Cristo sa Luneta nitong Lunes, Enero 13, 2024,naganap naman ang malaking kaguluhan at hindi kapayapaan sa House of Representatives.

‘Yun bang === bigla na lang sinibak bilang Chairman of the Committee on Appropriations si Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co.

Unang araw ng pagbabalik-sesyon ng Kamara at Senado noong Enero 13 at magtatapos ito sa Pebrero 7, 2024.

Naganap ang pagsibak kay Co sa mosyon ni Ilocos Norte Congressman Sandro Marcos na agad sinang-ayunan ng nakararaming kongresman

Makaraan ang isang oras, gumawa ng pahayag si Co na nagbitiw siya sa pwesto dahil sa rasong pangkalusugan.

Anoman ang totoo, mga Bro, sila-sila lang ang nakaaalam diyan.

Pero tiyak na lilitaw pa rin sa mga susunod na araw ang pinaka sa mga rason kung bakit nagkaroon ng sibakan o kaya’y pagre-resign ng nasabing kongresman.

Si Marikina City Cong. Stella Quimbo ang ipinalit na acting chairman ng nasabing committee.

Magkakaroon kaya ng rigodon sa pwesto dahil sa pangyayari?

Alalahaning may mga makapangyarihang komite sa Kamara at kasama ang Appropriations Committee.

Maaaring may mag-aagawan o magsipsipan sa pagkakaroon ng chairmanship sa mga makapangyarihan o masasabaw na komite.

Kasama ba ang P21B pondo ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program sa mga pag-aagawan o pagsisipsipan?

He-he-he! Sana naman hindi.

COA AT BILYONES NA DPWH PROJECTS SA KABIKULAN

Nitong nagdaang Disyembre, pinuna ng Commission on Audit ang nasa P13 bilyong proyektong imprastraktura sa Kabikulan ng Deparment of Public Works at mahigit P560 milyon dito ang para sa 31 proyektong hindi naipatupad.

Matatagpuan ang mga proyekto sa Camarines Sur at Sorsogon.

May P2.7B ding 77 suspendidong proyekto sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Camarines Norte, Sorsogon, Albay at Masbate.

Sino-sino ba ang mga nasa likod ng P13B proyekto sa ilalim ng DPWH?

COA AT DELAYED NA P216B DPWH PROJECTS

Inilabas din ng COA nitong Disyembre ang mga delayed na proyektong nagkakahalaga ng P216B proyekto ng DPWH para sa taong 2023.

Ayon sa COA, tiyak umanong magkaroon ng karagdagang gastos sa mga ito at nawawalan pa ang mga mamamayan ng pakinabang sa mga proyektong ito sa tamang panahon.

Binubuo umano ang mga ito ng 3,047 proyekto na may lokal na pondong P131.5 bilyon at 17 iba pa na may pondong dayuhang nagkakahalaga ng P84.4B.

Ano-ano nga kaya ang mga nangyayari at may mga pagpapaliban sa pagkompleto sa mga proyektong ito?

At sa kabila ng mga problema sa Kabikulan at sa pambansang antas, pinakamalaki pa rin ang inilaan ng mga kongresman at senador na pondo para sa DPWH sa taong 2025.

Meron bang malaking hiwaga rito lalo’t mabilis na lumalapit ang halalang Mayo 12, 2025?

Ano kaya ang masasabi ng DPWH sa mga ito?