Home NATIONWIDE 3 BI officials tatalupan sa balak na pag-iwas ng 4 Chinese sa...

3 BI officials tatalupan sa balak na pag-iwas ng 4 Chinese sa inspection

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) na tatlong opisyal nito na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isinailalim sa imbestigasyon kasunod ng tangkang pag-iwas sa immigration inspection ng apat na Chinese national noong Huwebes, Hunyo 5.

Bagama’t pansamantalang hindi pinangalanan ni Immigration Commissioner Anthony M. Viado ang mga opisyal na iniimbestigahan, kinilala naman niya ang apat na banyagang naharang sa NAIA noong Hunyo 2 bilang sina Zhang Zhaoya, Wang Linmei, Qi Xiangyang, at Chen Wenda.

“Sinumang kawani na mapapatunayang tumulong sa paglabag o pag-iwas sa immigration procedures ay pananagutin sa buong bigat ng batas,” ayon kay Viado.

Ayon sa ulat ng BI, pabalik na sana ng China at Vietnam ang apat na banyaga sa pamamagitan ng magkakahiwalay na flight, ngunit napigilan ang kanilang pag-alis matapos matuklasang may iba’t ibang paglabag sa immigration laws ng Pilipinas.

Nabatid na si Zhang ay overstaying na sa bansa mula pa noong Hulyo 2024, habang sina Wang at Qi ay overstaying na rin mula Setyembre 2024.

Bagaman may valid working visa si Chen, nadiskubre ng mga awtoridad na wala itong Emigration Clearance Certificate (ECC) — isang mandatoryong dokumento para sa mga long-term residents na aalis ng bansa.

Ayon sa BI, ang apat na Chinese nationals ay mahaharap sa mga kasong administratibo at legal dahil sa paglabag sa mga umiiral na batas sa imigrasyon ng Pilipinas. Jay Reyes