Home LIFESTYLE HEALTH Unprotected sex, porn sites, dating apps nagpataas ng HIV sa kabataang Pinoy

Unprotected sex, porn sites, dating apps nagpataas ng HIV sa kabataang Pinoy

292
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Department of Health (DOH) na ang pagtaas ng mga kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa mga nakababatang Filipino ay pangunahing bunga ng high-risk sexual behavior, kabilang ang unprotected sex, online pornography, at paggamit ng dating apps, ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa noong Huwebes, Hunyo 5.

Sa unang quarter ng 2025, nakapagtala ang DOH ng average na 57 bagong kaso ng HIV bawat araw.

Ayon kay Herbosa, ang ganitong mga gawi ay nagpapahirap sa pagsusuri at pag-iwas, lalo na sa sektor ng kabataan. Isa sa mga pinakabagong ulat ay isang 12-taong-gulang na batang lalaki mula sa Palawan na aktibo na umano sa pakikipagtalik—isa sa pinakabatang kaso ng HIV sa bansa.

Nagpahayag din ng pangamba ang DOH ukol sa epekto ng social stigma, na humahadlang sa mga kabataan na magpasuri. Bilang tugon, ibinaba ng kagawaran ang age of consent para sa HIV testing sa 16 taong gulang.

Gayunpaman, binigyang-diin ni Herbosa na nananatiling balakid ang requirement para sa parental consent sa pagsisimula ng gamutan, kahit pa magpositibo sa HIV ang menor de edad.

“Ang problema, kailangan pa rin namin ng parental consent sa start of treatment—so, that’s another legislation na kailangan natin,” ani Herbosa.

Ayon pa sa kalihim, ang epektibong pagtugon sa tumataas na bilang ng impeksyon sa kabataan ay mangangailangan hindi lamang ng mga serbisyong medikal, kundi ng mga reporma sa batas, sapat na pondo, at mas malawak na pampublikong edukasyon.

Binanggit rin ni Herbosa na ang HIV ay hindi na itinuturing na death sentence at maaari na itong pamahalaan tulad ng iba pang malalang kondisyon—kung maagang matutukoy at masisimulan ang tuloy-tuloy na gamutan.

Sinabi ng DOH na pinaigting na nila ang mga hakbang upang palawakin ang access sa libreng anti-retroviral (ARV) na gamot at pagsasaayos ng patient services sa mga pampublikong ospital.

Nauna nang nanawagan ang DOH sa Pangulo na magdeklara ng public health emergency, kasunod ng 500% pagtaas ng mga kaso ng HIV sa bansa sa nakalipas na mga taon. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here