MANILA, Philippines – Nakatakdang maglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng show cause order (SCO) laban kay incumbent Duterte Youth party-list Representative Drixie Mae Cardema kaugnay sa alegasyon na hindi tunay ang apelyidong “Cardema” na kanyang ginagamit.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hihilingin nila kay Drixie Mae, ang first nominee ng party-list group, na magpaliwanag tungkol sa alegasyon na kumakalat sa social media.
Sinabi ni Garcia na nais lamang nilang malaman ang katotohanan.
Sa mga social media posts, nilalabas na ang tunay na apelyido ni Drixie Mae ay “Suarez” at hindi “Cardema.” Sa kanyang Certificate of Acceptance of Nomination (CONA) para sa May 12 elections, idineklara niya ang kanyang buong pangalan bilang “Drixie Mae Suarez Cardema.”
Paliwanag ni Garcia, ang pagpapalabas ng SCO ay ginagawa motu proprio upang mabigyan ng pagkakataon ang Duterte Youth official na maipaliwanag ang kanyang panig.
Idinagdag niya na maaari ring mapatunayang may sala si Drixie Mae sa ilalim ng election offense kung mapapatunayang nagbigay siya ng maling deklarasyon sa kanyang CONA.
Ayon sa ulat, si Drixie Mae ay kapatid ni Ducielle Cardema, na asawa naman ni Duterte Youth leader Ronald Cardema. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)