Home NATIONWIDE 12 dagdag FA-50 aircraft bibilhin ng Pinas sa SoKor

12 dagdag FA-50 aircraft bibilhin ng Pinas sa SoKor

278
0

MANILA, Philippines – Nilagdaan ng Pilipinas ang isang kontrata para sa pagbili ng 12 karagdagang yunit ng FA-50 fighter jets mula sa Korea Aerospace Industries (KAI) ng South Korea.

Ang kontrata, na may kabuuang halaga na 1 trilyong won (humigit-kumulang USD700 milyon o PHP40 bilyon), ay pinirmahan ng mga matataas na opisyal ng Department of National Defense (DND) at KAI noong Hunyo 3.

Ayon sa ulat ng business news website ChosunBiz, kabilang sa kontrata ang logistical support, at inaasahang magsisimula ang delivery ng mga aircraft mula 2026 hanggang 2030.

Binanggit din sa ulat na ang mga bagong FA-50 aircraft ay mas pinahusay na bersyon ng kasalukuyang FA-50PH jets na nasa serbisyo ng Philippine Air Force (PAF).

Matatandaang nakakuha na ang PAF ng 12 FA-50 jets mula rin sa KAI sa halagang PHP18.9 bilyon bilang bahagi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program. Ang paghahatid ng mga aircraft ay nagsimula noong 2015 at nakumpleto noong 2017.

Isa sa mga FA-50, na may tail number na 002, ay bumagsak noong Marso 4 sa Bukidnon habang nagbibigay ng close air support sa mga sundalo ng Army na nakikipaglaban sa mga miyembro ng New People’s Army. Nasawi ang parehong piloto sa insidente.

Ayon sa PAF, ang pagbili ng karagdagang FA-50 jets ay bahagi ng Re-Horizon 3 phase ng AFP Modernization Program.

Batay sa datos ng AFP, ang FA-50PH ay may top speed na Mach 1.5, o isa’t kalahating beses ang bilis ng tunog. Kaya rin nitong lagyan ng mga air-to-air missiles tulad ng AIM-9 “Sidewinder,” isang uri ng heat-seeking missile, pati na rin ng light automatic cannons at mga bomba.

Naranasan ng FA-50PH ang tinatawag na “baptism of fire” noong Battle of Marawi, kung saan malawakan itong ginamit para sa air support sa gitna ng sagupaan mula Mayo hanggang Oktubre 2017. Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here