Marilao, Bulacan- Tatlong binatang nag-inuman ang iniulat ng mga awtoridad na nawawala nang pumunta umano sa isang kubo para magbanlaw ng tagay.
Kinilala ang mga binatang nawawala na sina Erick Merdegia Simple, 21, Jomar Claus Aluan, 29, at John Paul Villaflor Natividad, 23, tubong Nueva Ecija at kapwa stay-in sa isang apartment sa Brgy. Patubig, Marilao.
Sa public advisory ng Marilao police nitong Sabado, Mayo 31, nalamang nag-inuman ang mga ito sa kanilang tinutuluyang apartment kasama ang ilang co-workers hanggang sa magkayayaang “magbanlaw” o ituloy sa labas ang tagayan.
Nabatid na lulan ng Yamaha Sniper ang tatlo ay tumungo umano sa direksyon ng Bocaue para ituloy ang tagay sa tinawag nilang “kubo,” na ayon sa impormasyon ay isang beer house.
Sinasabing mula noon ay hindi na nakabalik sa kanilang apartment at trabaho ang tatlong binata kaya ipinaalam ng kanilang supervisor sa kanilang pamilya at nai-report sa mga awtoridad ang nangyari.
Nanawagan ang pulisya na kung may nakakita o nakakaalam sa kinaroroonan ng tatlong indibidwal ay makipag-ugnayan o tumawag sa kanilang himpilan sa 09985985385. Dick Mirasol III