Home METRO 3 Chinese national kalaboso sa shabu

3 Chinese national kalaboso sa shabu

BATANGAS- Arestado ang tatlong Chinese national matapos makuhanan ng 500 gramo ng shabu sa naganap na engkwentro noong Huwebes sa bayan ng Malvar.

Kinilala ang isa sa mga suspek na si Yanxing Xue at inaalam pa ang pagkakakilanlan sa dalawa.

Batay sa report ng Malvar Police Station, dakong ala-1:30 ng hapon ay naharang ng PDEA ang isang kotseng Audi na may plakang UKI 519 sa Lynville 2 Subdivision, Brgy. Santiago, Malvar.

Sa halip na sumuko ang sakay na mga suspek ay mabilis na sumibat ang mga ito na nauwi sa habulan hanggang sa nakorner ang mga ito sa southbound lane ng STAR tollway sakop ng Brgy. San Andres, Malvar.

Napilitang bumaba ang mga suspek at tumambad sa harapan ng mga awtoridad ang 500 gramo ng shabu na nakalagay sa paper bag at aabot sa halagang P3.4 milyon.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang mga suspek para sa tamang proseso at dokumentasyon para sa pagsasampa ng kaukulang mga kaso. Mary Anne Sapico