MANILA, Philippines – Tatlong Chinese research vessels ang nasubaybayan sa loob ng Philippine exclusive economic zone (EZZ) sa nakalipas na tatlong linggo, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sinabi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na patuloy nilang sinusubabayan ang natitirang dalawang Chinese research vessels makaraang umalis ang isa rito sa EZZ at bumalik sa Guangdong province nitong umaga ng Martes, Mayo 20.
Base sa paglalarawan ni Tarriela, ang Xiang yang Hong 302 ay may kabuuang haba na 100 meters at bigat na 4,500 tons. May kakayahan itong magsagawa ng malalimang survey sa dagat.
Dagdag pa, nagpadala na ng PCG aircraft sa nakalipas na dalawang araw at nagsagawa ng maritime domain awareness (MDA) flight upang subaybayan ang paggalaw ng Tan Sou Er Hao.
Katulad nito, ang Chinese research vessel na ito ay may kakayahan para sa deep-sea research.
Sa kabilang banda, sinabi ni Tarriela na dumating ang ikatlong barkong Zhong Shan Da Xue sa EZZ ng Pilipinas noong Marso 31 at bumalik sa pinanggalingan nito sa lalawigan ng Guangdong sa China noong Mayo 20. Jocelyn Tabangcura-Domenden