Home NATIONWIDE 3-day jeepney strike ng Manibela tatapatan ng PH gov’t ng libreng sakay,...

3-day jeepney strike ng Manibela tatapatan ng PH gov’t ng libreng sakay, karagdagang bus at tren

MANILA, Philippines- Nakahanda ang gobyerno sa planong tatlong araw na jeepney strike sa susunod na linggo sa probisyon ng karagdagang bus at train.

Sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na ang karadagang bus ay para sa busway habang ang train naman ay sa MRT 3 at LRT 1 at 2.

Magkakaroon din ng libreng sakay sa bus ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa maaapektuhang lugar.

Sa kabilang dako, nanawagan naman si Dizon sa transport group na MANIBELA na huwag nang ituloy ang kanilang ikakasang tatlong araw na jeepney strike, mula araw ng Lunes, Marso 24 hanggang araw ng Miyerkules, Marso 26.

“Panawagan natin na sana para sa ating mga kababayan na hirap na hirap na sa pang araw araw na pag cocommute ang mga kababayan natin, sana huwag ng mag strike instead sana mag usap na lang muna para maintindihan ng bagong liderato sa DOTr ang mga hinaing nila,” ang sinabi ni Dizon.

Sa ulat, nais makipagdayalogo ng DOTr sa transport group na Manibela kaugnay ng kanilang planong tatlong-araw na welga sa susunod na linggo.

Inatasan ni DOTr Secretary Vince Dizon si Assistant Secretary Dioscoro Reyes na pangunahan ang usapan upang matugunan ang mga hinaing ng transport sector habang pinananatili ang kaligtasan ng mga mananakay.

Ayon sa DOTr, kinikilala nila ang karapatan ng Manibela na ipahayag ang kanilang mga hinaing ngunit mas nais nilang magkaroon ng dayalogo.

Samantala, nakahanda naman ang DOTr, Land Transportation and Franchising Regulatory Board, at Metropolitan Manila Development Authority sa mga contingency measures tulad ng libreng sakay para sa mga apektadong commuters.

Inanunsyo ni Manibela chair Mar Valbuena ang strike dahil sa umano’y maling datos ng LTFRB hinggil sa konsolidasyon ng mga pampublikong sasakyan. Kris Jose