HONG KONG – Nagsimula na ang tatlong araw na mourning period para sa mga nasawi sa matinding sunog na sumalanta sa Hong Kong ngayong linggo na nag-iwan ng 128 mga nasawi.
Sinimulan ang pagluluksa sa sandali ng katahimikan na dinaluhan nina city leader John Lee, kasama ang senior ministers at mga top civil servants sa loob ng tatlong minuto.
Inilagay din sa half-mast ang mga bandila ng China at Hong Kong.
Naglagay din ang mga residente ng mga bulaklak malapit sa Wang Fuk Court, ang residential complex na nasunog ng mahigit 40 oras.
Naglagay din ng mga lugar kung saan maaaring makiramay ang mga residente sa iba’t ibang bahagi ng Hong Kong.
Sa ulat, itinuturing ang nangyaring sunog noong Miyerkules bilang worst residential building fire sa buong mundo mula noong 1980.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog ngunit sa preliminary investigation ay nakita na posibleng nagsimula ang sunog sa protective netting sa isa sa mga tower at nakapag-ambag ang “highly flammable” foam boards, at bamboo scaffolding, sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Samantala, nadiskubre ng mga awtoridad an ang alarm systems sa lahat ng walong apartment blocks ay pumalya.
Dahil dito ay nangako si Fire services chief Andy Yeung na aksyon laban sa mga contractor nito. RNT/JGC