Home HOME BANNER STORY 3-day transport strike ng Manibela aarangkada sa Aug. 14-16

3-day transport strike ng Manibela aarangkada sa Aug. 14-16

MANILA, Philippines- Magsasagawa ang transport group na Manibela ng transport strike mula Agosto 14 hanggang 16, matapos tablahin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Senate resolution para sa suspensyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

“Sa susunod na linggo, magkakasa kami ng mga kilos protesta o kung hindi man, mga transport strike simula sa Miyerkules, Huwebes, at Biyernes sa susunod na linggo,” pahayag ni Manibela head Mar Valbuena sa isang press conference nitong Huwebes.

“Hindi po kami nananakot. Sa susunod na Miyerkules kung wala pong malinaw na direktiba galing Malacañang, [Department of Transportation], o Land Transportation Franchising and Regulatory Board] kung papaano itong minorya na natitira, strike po kami,” dagdag niya.

Inihayag ni Valbuena na hindi tinugunan ni Marcos ang partikular na mga alalahanin ng mga senador na nanawagan ng suspensyon ng PUVMP, tinatawag na ngayong  Public Transport Modernization Program (PTMP).

“Dahil yung sinabi po ninyo kahapon, naka-hang po kami lahat sa ere. Ang malinaw tuloy-tuloy, pero ang guidelines hindi pa rin malinaw kung paano ipapatupad nang mas maayos ang PUVMP,” pahayag ni Valbuena.

Nanindigan si Marcos nitong Miyerkules na sinusuportahan nito ang PUVMP/PTMP sa kabila ng Senate resolution na nananawagan ng suspensyon nito.

Hinimok ng Senate Resolution 1096, nilagdaan ng 22 sa 23 senador, ang pamahalaan na pansamantalang suspendihin ang implementasyon ng transport modernization program.

Binanggit ng mga mambabatas ang isyu ng mataas na bilang ng unconsolidated PUV units, phaseout ng iconic jeepney design “in favor of so-called modern jeepneys,” at mababang porsyento ng aprubadong ruta.

Sinimulan noong 2017, nilalayon ng PUVMP na palitan ang mga jeep ng mga sasakyan na mayroong hindi bababa sa Euro 4-compliant engine upang bawasan ang polusyon. Nilalayon din nitong palitan ang units na hindi na maituturing na roadworthy.

Nagkakahalaga ang modern jeepney unit ng mahigit P2 milyon, halagang state-run banks na LandBank at Development Bank of the Philippines na ang na ang magsabing masyado mahal para sa PUV drivers and operators. RNT/SA