Bagsak sa kulungan ang tatlong drug suspects, kabilang ang isang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng baril at mahigit P.5 milyong halaga ng shabu nang maaresto sa magkahiwalay na buy bust operation sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela police chief P/Col. Nixon Cayaban, ikinasa ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Joan Dorado ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA nang magawang makipagtransaksyon kay alyas “Ogag”, 44, ng Brgy. 12, Caloocan City ang isa niyang tauhan.
Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseir-buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back up na operatiba saka dinamba ang suspek dakong alas-13:05 ng hating gabi sa Daez St. Brgy. Karuhatan.
Ani PMSg Ana Liza Antonio, nakuha sa suspek ang nasa 51 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P346,800, buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, black coin purse at P200 recovered money.
Alas-1:27 ng madaling araw naman nang sunod na maaresto ng mga tauhan ni Northern Police District – District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) Chief P/Lt. Col. Timothy Aniway Jr., sina alyas “Bok”, 43, at alyas “Erwin”, 36, sa buy bust operation sa Diamond St., Sta. Lucia Village, Phase 5, Punturin, katuwang ang Valenzuela Police Sub-Station 7.
Nakumpiska sa mga suspek ang 30 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P204,000 at buy bust money, habang ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala ay nakuha kay alyas Erwin.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang kasong paglabag naman sa Section 28 ng R.A 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Act si alyas Erwin.
Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang mga operatiba sa kanilang hindi natitinag na pangako para alisin ang ilegal na droga sa mga komunidad at tiyakin ang kaligtasan ng publiko. (Merly Duero)