MANILA, Philippines – Nagbigay ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga pagkain at pansamantalang tutuluyan ng nasa 1,000 pamilya na apektado ng sunog na sumiklab sa residential area sa Vitas, Tondo nitong Sabado, Setyembre 14.
Sa pahayag, sinabi ni Mayor Honey Lacuña na ang mga apektadong residente ay tumutuloy sa tatlong evacuation centers na matatagpuan sa Barangay 106 covered court, Barangay 105 covered court at Vicente Lim Elementary School.
“Agarang kumilos ang mga departamento ng city hall para tiyaking maayos ang kalagayan ng mga apektadong residente,” saad sa pahayag ni Lacuna.
“Hindi namin pababayaan ang sinuman sa muling pagbangon mula sa hindi inaasahang pangyayaring ito,” dagdag pa niya.
Sa inisyal na ulat, naabo sa sunog ang tenement buildings Nos. 23 hanggang 27 sa Road 10.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection sa Task Force Bravo ang sunog bandang 1:33 ng hapon.
Nagpadala rin ng chopper ang Philippine Air Force 505th Search and Rescue Brigade para sa Bambi Bucket operations. RNT/JGC