MANILA, Philippines – Nagpahayag ng intensyon na tumakbo para sa May 2025 midterm elections sa pwesto sa Senado sina Labor leaders Leody de Guzman at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) president Atty. Luke Espiritu.
Inanunsyo nina De Guzman at Espiritu ang kanilang kandidatura sa ika-31 anibersaryo ng BMP.
Sa selebrasyon, idineklara ng dalawa ang kanilang pagtutol sa political dynasties.
“Tamang ilaban natin lahat ng isyu ng sektor dahil yan ay kailangan for survival, pero dapat lagi’t lagi huwag nating kalilimutan na isabay na ang puno’t dulo ng lahat ng isyung ating nilalaban ngayon ay walang iba kundi ang political dynasty,” ani De Guzman.
“Hangga’t dynasty ang gobyernong nakapwesto sa tuktok, [sa] Malacañang, Kongreso, Senado, hindi magwawakas ang hinagpis araw-araw ng mga mamamayan… dahil wala silang gagawin kundi ang mga bagay na para sa kanila,” dagdag pa.
Sinegundahan naman ni Espiritu ang pahayag ni De Guzman.
“Hindi natin tatanggapin na sila lang ang nagdidikta ng pampolitikal na diskurso sa ating lipunan at ngayon gusto natin kamtin ang politikal na kapangyarihan… Mga false solutions, false alternatives, mga budol-budol pinapasubo ng mga elite… Hindi na natin tatanggapin at nakikita natin sa 31 years ng pakikibaka na kung hindi umagaw ng kapangyarihan ang manggagawang Pilipino, walang mangyayari sa lipunang Pilipino,” sinabi ni Espiritu.
Matatandaan na tumakbo si De Guzman sa pagka-presidente at si Espiritu naman sa pagka-senador noong 2022 elections. RNT/JGC