MANILA, Philippines – Opisyal nang pangungunahan ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) ang management at operasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Siniguro ng NNIC, consortium na kasama ang San Miguel Corporation at Incheon International Airport Corporation ng South Korea, na gagamitin nito ang P170 bilyong pondo para isagawa ang napakagandang plano nitong itaas sa world-class standards ang NAIA.
Kabilang dito ang pagpapataas sa passenger capacity mula 43 milyon sa 62 milyon taon-taon, at ang air traffic movements mula 42 patungong 48 kada oras.
Kikita rin ang pamahalaan ng P1 trilyon mula sa
public-private partnership sa loob ng 25-year concession period, kabilang ang 82.16-percent revenue share na ireremit sa pamahalaan taon-taon.
Normal din ang mararanasan ng mga biyahero kaugnay sa kanilang mga flight, check-in at iba pang serbisyo.
Kabilang sa mga plano para sa modernisasyon ng NAIA ay ang terminal reassignments at infrastructure upgrades, na ipatutupad sa mga susunod na buwan o taon.
Siniguro naman ng NNIC sa publiko na magiging madali ang transisyon, at walang magiging pagkaantala sa airport operations. RNT/JGC