MANILA, Philippines – Arestado ang tatlong drug suspects, kabilang ang isang itinuturing bilang High Value Individual (HVI) nang makuhanan ng mahigit P1.6 milyong halaga ng droga matapos matimbog sa buy bust operation sa Caloocan City, Lunes ng umaga, Marso 3.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang mga suspek na sina “Mike”, 44, band member, alays “Rose”, 35, tattoo artist at alyas Marj”, 27.
Ani Col. Canals, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables, sa koordinasyon sa PDEA ang buy bust operation matapos magpositibo ang natanggap na ulat hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas Mike.
Nang matanggap ang sinyas mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat positibo na ang transaksyon, agad lumapit ang back up na operatiba saka inaresto ang mga suspek dakong alas-11:34 ng umaga sa Phase 5A, Package 3, Bagong Silang, Barangay 176.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 1,000 grams ng high-grade Kush na nagkakahalaga ng P1,400,000 at 2,170 grams ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P260,400, na may kabuuang halaga na P1,660,400.00, buy-bust money, at asul na eco bag.
Mahaharap ang mga suspen sa kasong paglabag sa Sections 5, 26, at 11 ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Pinuri ni Col. Ligan ang Caloocan police para sa kanilang mabilis na aksyon sa pagpapabagsak sa isa pang operasyon ng iligal na droga. Merly Duero