MANILA, Philippines- Idineklara ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang Sta. Ursula Parish Church sa Binangonan, Rizal, bilang isang National Cultural Treasure para sa mga siglo na nitong kasaysayan at napakalawak na kahalagahan sa relihiyon.
Pinangunahan nina Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos, NCCA Chairman Victorino Mapa Manalo, NCCA Deputy Executive Director Marichu Tellano, dating NCCA Chairman Felipe De Leon, Rizal Governor Nina Ynares, at Binangonan Mayor Caesar Ynares ang deklarasyon rites.
Ang 225 taong gulang na simbahan ay isa sa napakaunting mga simbahan sa mundo na pinangangasiwaan ng tatlong orden ng pari: ang mga Franciscano, Jesuit, at Augustinian.
Unang itinayo noong 1621 ng mga Franciscano ang ang parokya ng Sta. Ursula.
Pagkatapos ay kinuha ng mga Heswita ang simbahan noong 1679, na sinundan ng mga Augustinian noong 1697. Ang mga tungkulin sa pamamahala ay ibinalik sa mga Franciscano noong 1737.
Bukod sa Sta. Ursula Parish, tatlo pang simbahan sa lalawigan ng Rizal ang idineklara bilang National Cultural Treasures ng NCCA. Ito ay ang Diocesan Shrine at Parish of San Jose sa Baras, St. Jerome Parish Church sa Morong, at San Ildefonso de Toledo Church sa Tanay. Jocelyn Tabangcura-Domenden