MANILA, Philippines- Ipinatapon ng Bureau of Immigration (BI) pabalik ng kanilang bansa ang dalawang Japanese national na wanted dahil sa pandaraya at money laundering sa Japan.
Kinumpirma ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang deportasyon sa dalawang dayuhan na sina Ito Shinya, 36, at Kawasaki Hiroyuki, 37, na nakasakay sa Japan Airlines Flight JL746 patungong Narita, Japan noong Marso 3.
Nabatid sa BI na dati nang inaresto ang dalawang pugante kasunod ng koordinasyon sa mga awtoridad ng Japan, na nagkumpirma ng kanilang pagkakasangkot sa palsipikasyon ng mga opisyal na dokumento at pandaraya sa pananalapi.
Parehong kinasuhan sa Japan ang dalawang nabanggit makaraang masangkot sa paglikha ng mga maling rekord sa electronic o magnetic notarized deeds at paggamit ng mga shell companies upang makapag umit ng pondo.
“The deportation of these fugitives is a testament to the strengthened cooperation between the Philippine government and its international counterparts in combating transnational crime,” ani Viado.
“We remain committed to ensuring that the Philippines does not serve as a haven for criminals,” dagdag pa ng opisyal.
Isinagawa ang deportasyon kasunod ng pag-apruba ng BI Board of Commissioners, na nag-utos sa kanilang summary deportation. Ang parehong mga indibidwal ay kasama sa blacklist ng BI, na epektibong humahadlang sa kanila sa muling pagpasok sa bansa. JR Reyes